Tuesday, May 18, 2010

Maging Tapat.


Ang dami niyang nagawa. Iyang "Honesty" na yan. Sampung Buwan na ang nakakalipas pero ang sindak mula sa nakaraan patuloy pa ring nagpaparinig at nagbibigay insulto sa ginawang kabutihan. Marami siyang nagawa. Pighati. Luha. Pagkadepress. Pagkalango sa alak. Pagkaadik sa yosi. Higit sa lahat eh ang mawala ang taong maaasahan mo sa lahat ng bagay.

Ilang beses na akong nagsinungaling. Nung bata pa ako, naku, madalas yan. Para lang umiwas sa palo ni Mommy talaga namang naging useful sa akin ang kasinungalingan. Sa school, napagdaanan ko ang forgery, napagdaanan ko rin ang magsinungaling sa teacher na may sakit ako pero wala naman talaga, gusto ko lang lumabas ng classroom at sa clinic matulog. Ang saya kasi nakakalusot ka. Pero ang tanong, nakakalusot ka ba kung sasabihin mo ang totoo?

Nung nagkaroon ako ng nobyo, hindi madali ang hindi magsinungaling kasi madalas ko na ring binubuko ang sarili ko sa kanya kada hihirit ako ng kasinungalingan. Siguro hindi ko kayang may itinatago sa kanya. Nagulo minsan ang pananaw ko nung umamin pa ako sa mga bagay na dapat niyang malaman. Ayaw niya ng umiinom ako ng sobra sobra, kasi madalas ako malasing. Pero pag kasama ko mga katrabaho ko minsan sinasabi ko na may tinatapos ako pero uuwi ako maaamoy niya akong amoy serbesa. Ayaw din niya sa babae ang nagyoyosi, kaya ako naman number one sa taguan.

Siguro wala ni isang tao sa mundong ito ang hindi pa nakakapagsinungaling. Lahat na halos, mapa-white lies man yan o over sa lies. At kahit napakabait man ng tingin mo sa tao, may kasinungalingan pa ring sasabihin. Hindi ko maintindihan ang buhay bakit ang kasinungalingan ay masama pero bakit sa lahat ng bagay siya ang kailangan ng tao? Bakit ang honesty na nagsisilbing tama ay siya itong hindi ginagawa ng tao? Bakit nga ba masarap ang bawal or should I say, ang magsinungaling? Dahil ba naliligtas ang isang indibidwal sa katarantaduhang pinasok niya? Dahil ba ikaw ang magmumukhang malinis at mababaling ang masamang bahid sa taong nagtapat? Natanong ko pa minsan, bakit yung nagtapat ang siyang nakakasalo ng karma?

Sa totoo lang, hindi ako pala-simba, kahit katoliko ako. Dati sumubok akong pumasok sa tahanan ng Diyos pero wala akong makasama hindi kasi ako sanay. Hanggang sa tinamad na ako. Hindi naman ako satanista, andun pa rin ang bonding kay Bro. Mas nasanay akong tanungin na lang siya sa kung saan man ako datnan ng sumpong. So tinanong ko siya. Bakit ako yung sumasalo ng karma knowing nagtapat naman ako. Hindi ba dapat mas marami pang magagandang bagay ang dapat dumating sa akin dahil ginawa ko ang tama. As usual hindi siya sasagot. Yun parang may maririnig ka na boses na hinuhugot pa sa kailaliman ng lupa. Hindi, hindi ganun ang nangyari. Since hindi ako nakakuha ng sagot, nagpatuloy na lang akong maglakad. Sa paglalakad ko, doon ko lang pala makikita ang kasagutan. Sa pagfefacebook, sa pagmo-mall, sa pagbabakasyon at sa pagtuturo, doon ko pala makikita ang kasagutan.

Sa mga parinig at panghuhusga natuto akong sumawalang kibo. Nakakatawa nga eh yung mga tao pang nasaktan ko, ang nagpost sa FB ng quote na "Silence is a bliss, Ignorance is a virtue." Totoo naman na Silence is a Bliss ang mali lang, yung application nila sa sarili nila. Ignorance is a Virtue, totoo din yun. Pero hindi kaya baligtad? Ako ang dapat tumatahimik kasi ako ang umaming nagkasala? Kaya lang ang nangyayari mas ako pa ang maraming naririnig mula sa kanila. Ito lang ang natutunan ko, magpasabog ka ng galit kung kailan sobra na. Kumbaga eh hit the person when it is already hitting you below the belt. Hanggang wala pa dun sa point na yun you shut your mouth and ignore them. Awa ng Diyos, wala pa naman sa level na yun. Actually kakaganun nila, na-realize ko lang yung value ng pagkakaibigan. Hindi pala porke barkada, eh sila ang tamang taong dapat samahan. Minsan hindi rin.

Naalala ko lang, may nagsabi sa akin na wala daw akong trabaho with matching tawa ng kayabangan. Nadepress ako nun. Yung nagsabi nun alam ko na he is trying to pull me down kasi nga dahil sa ginawa ko. Ipinapakita niya sa akin ang ikalawang karma ko dahil sa pagtatapat. Pilit ipinapahiwatig sa akin na guguho ang career ko. Minahal ko ang trabaho ko kahit part time lang. Sinuklian ako ni bro ng mabubuting estudyante at nadadagdagan pa sila. Isa pa nagkaroon na ako ng offer na mas maganda pero tsaka ko na sasabihin. Inisip ko masuwerte pa rin pala ako kesa sa taong yun, kasi ako pagkatapos kong grumadweyt, ang dami ko ng pinagdaanang trabaho siya naka-stock pa rin siya sa negosyo ng magulang niya at dun na lang umiikot ang buhay niya. Ako madami ng nasubukan dahil sa pagkayod. Maganda na nabuhay ako sa sarili kong pawis. Natuto akong mag-gala ng walang sariling kotse. Hindi kasi ako nabuhay ng may nakahapag na. Natuto kasi akong maghanap ng ihahapag.

Nahati ang grupo ng mga kaibigan ko. Ikatlong karma. Mahirap siyempre dahil sila na ang nakasama ko pero dahil sa ako yung lumalabas na masama at active ang mga "naaapi" sa pananaw nila, ayun iilan na lang din ang nakakasama ko. Pero dito pa lang sa sitwasyon na ito, nakikita ko kung sino ang matapat, sino yung mapagkakatiwalaan. Sino yung hindi makitid ang utak. Ayun eh yung pamilya ko, ang ungas kong pinsan, mga kamag-anak sa ELBI at yung high school at college friends ko. Doon ako nag-hold on sa mga tao na yun at kailan man hindi na dapat kailanganin ang mga taong husga doon husga dito.

Pinakahuling karma ni Pucca. Nawalan ako ng taong minahal, umalis siya at bibihira ko na lang makita. Espesyal ang taong yun pero iniwan ako ngunit naniniwala akong may magandang reason kung bakit. Hindi ako umaasa na magiging kami pero umaasa ako sa tadhana na one day magkikita kami at mapagkukuwetuhan namin yung mga pinagdaanan namin. Kahit hindi na nobyo, kaibigan na lang tutal doon lahat nagsimula at nangyaring mahulog nang hindi inaasahan. Naging tapat siyang kaibigan sa akin at hindi ko kakalimutan yun. Natakot ako nun, kasi bibisitahin ko siya sa ospital. Ang feeling ko baka galit siya sa akin kasi binura ko siya sa FB. Nanalangin ulit ako kay bro na sana maging maganda ang pagkikita namin. Nung magkita kami, ngiti, halik at yakap ang binigay niya sa akin. Pakiramdam ko tanggap niya pa rin ako sa kabila ng lahat ng nangyari. Nagkuwento siya kahit konti sa akin, nangamusta. Yun ang huling kita ko sa kanya. Pinasaya ako ni Bro nun. Yun ay makita siya ulit at okay ang lagay niya wala na akong aasahan pang iba. Kahit nakalimutan niya akong batiin nung birthday ko wala na yun sa akin ang mahalaga, pinansin niya ako, yun na ang pa-birthday ni God sa akin.

Hay ayun na siguro ang good karma na maituturing ko sa pagiging matapat ko sa isang sitwasyon. May lesson din pala. Kaya yung mga nagsisinungaling, come up come up wherever you are. Wag ismolin ang bad karma ako nga impyerno na yun eh what more pa sa mga katulad niyo. =)

Sunday, May 16, 2010

Ang Buwan at ang Bituin

Ang dami na akong kantang narinig na parating sinasalihan ng salitang buwan at bituin o moon and star. Kadalasan silang nagiging Simile at Metaphor sa salitang pag-ibig, kasinatahan o minamahal. Meroon diyan yung Lover's Moon na kinanta ni Glenn Frey. High School pa lang ako sobrang finafanatsize ko tiogn kantang ito. Iniimagine ko dati yung crush ko na si Tikboy na hinihintay niya ako sa Lover's Moon na sinasabi sa kanta. Ang iniisip ko pa nga nun isang puno sa gitna ng gabi at ang tanging ilaw lang eh ang liwanag ng buwan. Nakapamewang siya at pawang may hinhintay. At ang hinhintay niya daw, ay siyempre ako. Napapaiyak ako kada tinutugtog siya sa 94.7 Mellow Touch. Madalas akong mapuyat sa gabi sa kakahintay sa mga magandang love songs sa estasyon na yun. May sakit kasi ako na kada nakakarinig ako ng magandang kanta eh nakakagawa ako ng MTV sa loob ng utak ko.



Isa pang nakakaantig sa aking kanta eh tungkol sa mga pangarap. Nung napanood ko yung movie na "Jack" sobrang nagustuhan ko ang kantang "Stars" ni Bryan Adams. Si Jack Powell, ay isang kakaibang bata. Habang nadadagdagan ang edad, x 4 ang itinatanda ng pisikal niyang anyo. Halimbawa kapag 10 years old na siya mukha na siyang 40 years old. Mahirap ang kalagayan niya pero hindi siya bumitaw hanggang sa natapos niya ang high school at naging Valedictorian pa kahit uugod ugod na siya. Sobrang tsumempo ang kanta sa pelikula. Naroroon rin sa lyrics ng kanta ang mahahalagang tanong sa buhay. " Whatcha gonna be when you grow up? Whatcha gonna be when your time is up? Whatcha gonna say when things gone wrong? Whatcha gonna do when you're on your own? There's a road long and winding...."

May kinanta si Sydney Forrest patungkol ulit sa paghihintay pero this time, hindi na yun sa fantasy ng crush. Fantasy na yun sa isang taong hindi ko pa nakikilala. Yung taong nasa future pa ang aming pagkikita. Once in A Blue Moon ang title niya. Ang chessy ko no? Hindi naman porke nagsusulat ako eh kailangan seryoso. Lahat naman ng tao gustong umibig kaya ito ako, umaasa na sa tamang panahon, may darating ulit na magpapatibok ng puso ko. Yung kanta na ito may nagpapaalala din ng isang tao sa akin. Sana nga siya yung "lovelife" sa future dahil ngayon parte na lang siya ng nakaraan ko.

Masarap ang makinig ng kanta, at masarap din na makakakita ka ng isang bagay na hindi mo akalaing makikita mo. Nung maging parte na ng nakaraan ko ang "isang tao" na yun. Inisip ko na lang siya bilang bituin. Kada kasi napapatulala ako sa ulap sa hindi ko ring maintindihang dahilan, iniisip ko isa siyang tala na sumusubaybay sa akin habang nasa ibaba ako. Kahit malayo siya alam ko andyan siya nakadungaw sa mga ulap. Gusto niya kasi akong mag-move on. I-enjoy ang buhay. Buhay mag-isa. Buhay kasama ang pamilya. Kasama ang kaibigan. Kasama na rin ang kalikasan. Gawin ang buhay ko na maganda at matagumpay. Yun lang, gagawin ko lahat yun nang wala siya. Ginagawa ko naman. Masaya pero hindi ko minsan maiwasang maisip siya.



Isang araw, pumunta kami ng kapatid at pinsan ko sa Mall of Asia. I-cecelebrate kasi namin ang birthday ng kapatid ko. Susubukan sana namin ang ice skating rink ng pinaka-malaking mall sa bansa pero hidni na namin natuloy dahil nasindak kami sa mahal ng presyo. Pumunta kami sa bay at nilibre niya kami ng kape sa Starbucks. Papunta pa lang kami nasilayan ko na ang mahiwagang posisyon ng buwan at ng isang bituin. Nasa itaas ng buwan ang nag-iisang bituin. Yung hugis ng buwan kakaiba, ang ganda. Sabi sa balita eclipse yun at ang bituin ay yung planet Venus. Wala ng ibang naisip ang utak ko at ang nasa loob ng puso ko kung hindi yung tao na yun. Nasaan na kaya siya? Ano gingawa niya? Saang parte ng Pilipinas naroon siya ngayon? Nasa north o south? Hindi ko alam. Pero nung pinagmamasdan ko yung dalawang magandang bagay sa itaas, napapangiti ako. Ang drama ko na naman. Siguro okay siya. Ako naman, lumalakas ang loob ko at nadadagdagan ang pag-asa ko sa buhay. Naiisip ko din yung mga masasayang araw na nagpunta din kami sa MOA (Mall of Asia). Yung tawanan at kulitan. Napapangiti ako.

Ano kaya yung Eclipse at ang Venus na iyon? Simbolo ba yun para sa mga taong nagmamahalan? Pag-asa sa buhay? O sa mga taong magkalayo at balang araw magkikita muli saksi ang planeta ng pag-ibig? Gulo. Pero ano pa man yun may kakaiba akong naramdaman dahil sa bagay na iyon sa langit. At yung mga kanta na may kinalaman sa buwan at bituin, kanta sila na pawang nagbibigay inspirasyon na lahat ng bagay posibleng mangyari. Kailangan mag-antay pero kailangan ding magpatuloy sa buhay. =)


Friday, May 14, 2010

Ako.


Hay welcome to blogging. May blog ako sa Wordpress at pati sa Friendster pero hindi ko masyado nilalagyan ng mga kung anuman, bibihira lang. Malamang ito, mapupunuan ko na ng kung anu ano itong blog na ito. Mga kuwento sa buhay ko. Kuwento ng ibang tao. Kuwento ng mga nakita, nasaksihan, nakaantig ng aking damdamin at ibang nabibilang sa mga non-sense na bagay sa mundo. Pupunuan ko talaga ito.

Pucca na lang ang itawag mo sa akin. Paborito ko si Pucca. Kyut, malambing, at mahilig sa simpleng bagay at siyempre malandi na nagkakagutso din sa lalaki. Ang edad ko beinte siyete, hindi katangakran, maputi, maiksi ang buhok at mahilig sa beer. Gusto ko uminom. Before alcoholic, mahilig din manigarilyo pero ngayon nalilimitahan ko na. Tapos ako ng Mass Communication sa Centro Escolar University at balak kong magturo ng English at Filipino, puwede sa High School or College. Kukuha muna ako ng Education units. Siyempre kukunin ko yun sa U.P. (University of the Philippines). Gusto kong magsulat. May diary ako sa bahay. May walo na akong journals at sinimulan ko iyon nung high school pa ako.

Lumakas na din ang interest kong magbasa hindi gaya dati hindi ako makatapos ng isang dalawang daang pahinang libro aa isang linggo aabutin yun ng taon. Mahilig ako sa mga English series na programa. Alternative music ang gusto kong pakinggan, minsan may mga OPM din akong kinababaliwan mostly nakukuha ko pa sa mga soundtrack ng telenobela. Naappreciate ko rin ang K-Pop siguro naimpluwensyahan na rin ako ng mga estudyante kong Koreano at the same time dahil na rin sa kakapanood ko ng Boys Over Flowers. Gusto ko si Sunbae Ji Hoo. Sa interest ko na iyon nakikilala ko ang mga bagay sa labas ng ating bansa. Naisip ko lang paano kung napadpad ako dun? Atleast hindi ako mkuhang tanga. Masarap mag-explore.

Hobby kong kumanta at makasali ulit ng choir. Parang sa Glee. Hindi ko naman sa gingaya, pero ang sarap ng feeling minsan na nailalabas mo ang saloobin mo sa pagkanta kesa idakdak mo pa. Facebook adik ako. Mahilig akong magupdate ng God's message to you, View your Horoscope at Paulo Coehlo's quote of the day. Hindi ko kailanman na-appreciate ang mga computer games. Maging yung pet ko sa Pet Society malamang naagnas na. Marami na ring sigurong nakapatay sa character ko sa Vampire Wars at Mafia Wars. Yung character ko sa Ran at Cabal malamang nasipa na ng Guild Master. Gusto ko ring maging updated sa mga kaibigan ko. Sa tingin ko yun yung pinaka tahimik na paraan ng pangchichismis. Hindi harmful. Malakas akong kumain. Hindi ako tumataba, bilbil lang sa tiyan ang lumolobo idamay mo na din ang pisngi ko. Pero ang braso ko maliit pa rin. Para ba akong malnourished na bata sa Somalia.

Sa pamilya, panganay ako sa tatlong mgakakapatid. Yung sumunod sa akin babae, na sa awa ng Diyos ikakasal na (at inunahan ako). Last, yung bunso namin na lalaki at pinakamatangkad sa lahat (ako pala ang pinka maliit) na mahilig sa banda, punk, emo, at siguro kabilang din siya sa kontrobersyal na grupo ngayon na tinatawag na Jejemons. Siya na lang ang pinag-aaral nina Mommy at Daddy. Si Mommy at Daddy, active na miyembro sa mga church organizations ng aming diocese. Ang Mommy ay may malakas lakas siyang tahian sa bahay. Si Daddy dati siyang Aircraft Loadmaster sa isang malaking Cargo Airline company na pasalamat kay Erap at Lucio Tan, nawalan siya ng trabaho. Yun pa naman ang naging katas ng pagyaman namin nung mga bata pa kami. Kaya si Daddy ngayon, taga-sain, taga-linis ng bahay at kanang kamay nina Mommy sa mga business transactions niya. Ang pinagkakaabalahan ni Daddy ngayon ay Facebook at siyempre ang pag-master ng mga kanta sa videoke courtesy of Youtube. Ateast si Daddy nakakapagpahinga ng matagal. Kung minsan nakakakuha siya ng mga project abroad sa mga dati niyang kasamahan sa trabaho. Sabi nga niya yun ang importansya ng contacts at ng magandang pakikisama sa mga katrabaho.

Hindi kami ngahihirap, may business ang Mommy, ang kapatid kong babae nagtatrabaho bilang manager sa isang Cafe Restaurant. Si Bunso, ilang buwan na lang ang bubunuin matatapos na din siya sa kolehiyo. Ako, I am a part time online English teacher for Koreans. Matapos ang anim na taong naging staff sa mga TV stations, buti at naumpog ang ulo ko na makapagpasyang magbakasyon muna. Sa bahay simple lang kami, ako at si Daddy ang nagtutulong sa gawaing bahay. Taga-luto at kung minsan taga-laba ako kapag maraming ginagawa si Mommy at the rest si Daddy na.

Wala akong ideya kung bakit sa ngayon marami akong nabibigay na impormasyon tungkol sa buhay ko. Malamang dahil sa pakikipaghiwalay ko sa dati kong nobyo at pagakawala ng isang minahal, ayun, marami na akong natutunan. Pinalano siguro na makilala ko ang buhay ng pamilya ko nung mga oras na nasa media pa ako at ang bahay namin dati ay boarding house lang sa akin. Naplano siguro yun, nung mga oras na ang ginawa kong sentro ng buhay ko eh ang dati kong nobyo at hindi ko masyado namulat ang sarili ko sa mga bagay na makakapagpabago sa katauhan ko. Yung tipong maging malaya para kilalanin ang sarili at tumayo sa sariling paa na kailan man ay hindi ko nagawang gawin. Yung makapagsulat ng isang magandang writing piece at makatapos ng mga may sense na libro sa loob lang ng isang linggo. Yung matutunan magluto ng lutong bahay dahil pagdating ng panahon hindi na sina Mommy, Daddy at mga kapatid ko ang makakatikim nun kundi yung pamilya ko naman. Ang dami no? At ang pinaka-importante yung magdesisyon sa mga bagay na kailangan munang iwan para gawin mo ang sariling mong malakas at umangat kahit papaano. Kumabaga, patunayan sa ibang tao na mali ang iniisip nila laban sa iyo.

Siguro hindi nasayang ang sawing pag-ibig na dinibdib ko din ng ilang buwan. Kaya may mawala man o may dumating, parati siguro nating isipin na may makukuha tayong aral o inspirasyon dun na magagmit natin pagdating ng panahon.

Tsaka siyemre, sa likod ko habang tintype ko ito ay ang tatay ko. Nagmamaster nga kanta via Youtube again. Ang kanta, Impossible Dream.