Monday, July 19, 2010

Ang Kuwentong Lobo.

May mga bagay talaga na para sa iyo, ibibigay talaga sa iyo. Paunti-unti natutunan kong maniwala sa ganitong paniniwala ng tao. Hindi naman ako naghahangad ng kung anuman ang dumating sa akin kundi ang VISA at ang ticket, higit sa lahat makaalis sa bansa at makakuha ng matinong trabaho. Pero habang paparating ang mga araw na hiniling ko, iniisip ko yung taong kakausapin ko sa huling paglalagi ko sa Manila. Siya na yun, ang taong lobo.

Ang lobo na itago na lang natin sa pangalang, Jacob. Isa sa mga naging matalik na kaibigan na minhal ko sa hindi inaasahang pagkakataon. Naks. Pero totoo. Naniniwala na ako sa unconditional love dahil sa kanya. Minsan masarap ng magbigay ng pagmamahal na walang hinihinging kapalit, walang hinhinging "oo tayo na", walang hinihinging, "bakit minahal naman kita ah, hindi pa ba sapat yun?" Totoo naman na mahirap umasa eh. Mas masarap na lang na nandyan ka, doing your own little things while taking care a very special person. Martyr na kung tawagin pero uso yun at naiintindihan ko ang mga taong ganun. Pero sa pagiging martyr huwag lahat ibigay, paano ka naman? Bigyan mo pa rin ng kalayaan ang sarili mong sumaya.

Si Jacob. Kada naririnig ko ang pangalan niya, napapatigil ako sandali at ngingiti. Hindi ko alam kung ano ang magic sa pangalan niya basta napapangiti na lang ako.
Isa siyang kaibigan na sa lebel ng pagkakaalala ko, masaya. Tawa pa lang niya nakakatuwa na. Yung mga pandadaot niya, nakaksakit na ng tiyan. Yung mga panlalait niya na hindi nakakapikon kasi namumura mo naman siya. Siya at wala ng iba. Siya na may ibang klaseng pag-iisip. Pero habang nakikilala mo siya, hindi ko alam kung nahawa na ba ako sa kawirduhan niya o sadyang naiintindihan ko siya.

Matagal tagal na din kaming hindi nag-uusap, matagal na, pagkatapos mangyari ang masasakit na bagay sa akin, malamang sa kanya at sa iba pang tao. Nagparaya kami at hinarap ko ang reyalidad ng wala ang pangalang "Jacob" sa isip ko, pero nasasagi pa rin paminsan-minsan. Iniisip ko kung asan na siya, anong ginagawa niya, naaalala pa kaya niya ako kahit paminsan minsan. Just the basic question when someone is away from you. Pero itinakda na siguro ng tadhana na magkita kami. makapag-usap at magkaroon ng kasagutan ang mga tanong ko. Itinakda nga yun mga ilang araw bago ako makaalis.

Sa harapan ng isang kaibigan, na isa rin sa mga taong gusto ko makita bago ako umalis, napag-usapan namin siya. Nabanggit ko na gusto ko siya makausap at nag-save talaga ako ng draft sa celphone ko ng mensahe para sa kanya. Ganun ako kakaba na halos ipa-edit ko pa sa kanya ang text ko na yun. Sabi ko lang God bless, ingat ka, and you will always be in my heart. Diba ganun lang ka-corny, pero ang totoo talagang message nun, "Can I see you before I leave?" Nabasa na nga ng kaibigan ko, at dun mismo sa harapan niya, sinend ko na ang suntok sa buwan na message. Ito na ang sumunod na eksena.

Nag-antay kami ng ilang minuto sa isang napakahalagang message alert tone. Ayun may nagtext na. Si Jacob. Kinilig kaming dalawa ng kaibigan ko. Biglang banat sa message: "Salamat sa update, pero sino ito? Nagreset kasi yung phone ko." Naudlot ang kilig, kinabahan ako ulit sabay reply: "Si ghel to, ano ka ba." Biglang ang reply ng lobo; "Ghel, sorry! Alam mo bang nabura yung mga numbers sa celphone ko. Anyway baka gusto mo kumain tayo when you are free to see me." ito ang pinakakilig moment sa aming dalawa ng kaibigan ko. Weeee! Nakapagdesisyon kami ni Jacob magkita sa isang mall sa Quezon Avenue. Inantay ko ang Martes. Dumating ang Martes, sobrang naaaburido na ako dahil hindi pa siya nagtetext. Nakalimutan ba niya? O ginago lang ako nun? Sumangguni ako sa ilang mga mapagkakatiwalaang kaibigan. Sabi ng iba huwag ng umasa, sabi ng iba, itext ko baka busy lang. Binigyan ko siya ng ilang minuto, maliligo muna ako. Pagakaligo, nakita ko ang text, siya na. Dinner daw kami by 7:30pm. Sobrang ngumiti ako na parang nabaliw.

Nagkita kami. Pagkakita ko sa kanya hindi ko mapigilang ngumiti ng bongga. Hinalikan niya ako sa pisngi. Gusto ko pa sanang humirit ng yakap kaya lang over na. Kumain kami sa paborito niyang resto. Siya ang nanlibre. Nakakatuwa kasi andun pa din yung biro niya na kung kailan nasa counter biglang babanat sa akin na, "Naku wala pala akong dalang pera" normal na yung reaction ko na mapamura ng "put*** i**ng yan o" ayun tatawa siya kapag nakikita niyang sumakay ako sa joke niya. Kumain kami habang nagkukuwento siya. Ang galing pa rin niyang magkuwento yung tipong nagbabasa ka ng libro. Kinuwento niya yung mga nangyari sa buhay niya. Parang bible sharing. Madami na siyang kinuwento, pagkatapos nun, tinanong niya ako, na "eh ikaw kamusta ka na?" Sabi ko mas okay na ako ngayon kesa dati. Pilit ko man iwasang maluha ng konti, siguro napansin na din niya na hindi maganda ang maikukuwento ko dati, sinabi na niyang huwag ng pag-usapan pa. Pero ang binanat niya sa akin bago lumihis ng ibang landas ang aming pag-uusap, "hindi ko pinagsisihan na nagkahiwalay kayo atleast nalaman mo kung ano ang nangyari."

Gaya pa din ng dati, nakipag-usap ako sa kanya habang naglalakad kami sa mall. Kinamusta ko ang mama niya yung mga kapatid niya. Nabanggit ko sa kanya na maganda yung librong Life of Pi (PEE sa pagkakapronounce ko) pero tinama na naman niya ang pronunciation "anong Pi(pee), Pi (PIE)! Sabi ko, "Pie ba yun?" Bumanat pa ako as if hindi ako nagkamali. Sinabi ko din na kinakabahan ako pag-alis ko, natatakot akong malungkot dahil sa mahabang panahon na nasa puder ako ng mga magulang ko, ngayon lang ako mawawalay sa kanila. Sabi niya, natural lang daw na maging malungkot. Sinamahan niya ako sa labas para mag-yo, at pagkatapos nun, nagsama na kami sa isang taxi para umuwi. As usual, hindi natapos ang gabi na wala siyang tinarayan. May pinagsabihan siyang taxi driver na humihingi ng dagdag. Anyway, nung nakasakay na kami sa matinong taxi, sinabi ko sa kanya na mamimiss ko siya pero hindi ko alam kung narinig niya yun o hindi. Hindi na kasi siya sumagot. Pagbaba niya sa kanyang bahay, hinalikan niya ulit ako sa pisngi. As usual gusto ko siyang yakapin pero kamusta naman, nakaupo ako sa sasakyan at nasa labas na siya.

Wala akong nararamdamang lungkot dahil mawawalay ako sa kanya. Masaya na akong malaman na okay siya at tinupad ni God yung hiling ko na makapag-usap ulit kami. I know na alam Niya na gustong gusto kong gawin ulit yun, yung marinig ang kuwneto nung taong lobo. Kung may kasabihan ang mga babae na "ngiti pa lang ulam na" para sa akin, "siya, kuwento pa lang busog ka na".

Nagyon na malayo ako sa pamilya, kaibigan ko at sa kanya eh talaga nga namang nakakalungkot. Pero ito yung pinili kong landas para mas kilalanin ko pa ang sarili ko. Maintindihan ang iba pang bagay. Alam ko sa pagbabalik ko, makikita ko pa rin siya, marami na rin sigurong pagbabago pero wala na akong bagay na aasahan pa kung hindi yung mga kuwentuhan na dati na naming ginagawa. Yung mga kuwentong nakakaalis ng stress, nakakawala ng worries at problema. Higit sa lahat yung mga kuwentong alam mong mayroong series. Kung ako ang tatanungin, sabik na ako sa bagong series.

1 comment:

  1. basta, i will always support your love team:-) kinikilig aq tlga dito:-)

    Just keep the faith friend:-)

    ReplyDelete