Tuesday, May 18, 2010
Maging Tapat.
Ang dami niyang nagawa. Iyang "Honesty" na yan. Sampung Buwan na ang nakakalipas pero ang sindak mula sa nakaraan patuloy pa ring nagpaparinig at nagbibigay insulto sa ginawang kabutihan. Marami siyang nagawa. Pighati. Luha. Pagkadepress. Pagkalango sa alak. Pagkaadik sa yosi. Higit sa lahat eh ang mawala ang taong maaasahan mo sa lahat ng bagay.
Ilang beses na akong nagsinungaling. Nung bata pa ako, naku, madalas yan. Para lang umiwas sa palo ni Mommy talaga namang naging useful sa akin ang kasinungalingan. Sa school, napagdaanan ko ang forgery, napagdaanan ko rin ang magsinungaling sa teacher na may sakit ako pero wala naman talaga, gusto ko lang lumabas ng classroom at sa clinic matulog. Ang saya kasi nakakalusot ka. Pero ang tanong, nakakalusot ka ba kung sasabihin mo ang totoo?
Nung nagkaroon ako ng nobyo, hindi madali ang hindi magsinungaling kasi madalas ko na ring binubuko ang sarili ko sa kanya kada hihirit ako ng kasinungalingan. Siguro hindi ko kayang may itinatago sa kanya. Nagulo minsan ang pananaw ko nung umamin pa ako sa mga bagay na dapat niyang malaman. Ayaw niya ng umiinom ako ng sobra sobra, kasi madalas ako malasing. Pero pag kasama ko mga katrabaho ko minsan sinasabi ko na may tinatapos ako pero uuwi ako maaamoy niya akong amoy serbesa. Ayaw din niya sa babae ang nagyoyosi, kaya ako naman number one sa taguan.
Siguro wala ni isang tao sa mundong ito ang hindi pa nakakapagsinungaling. Lahat na halos, mapa-white lies man yan o over sa lies. At kahit napakabait man ng tingin mo sa tao, may kasinungalingan pa ring sasabihin. Hindi ko maintindihan ang buhay bakit ang kasinungalingan ay masama pero bakit sa lahat ng bagay siya ang kailangan ng tao? Bakit ang honesty na nagsisilbing tama ay siya itong hindi ginagawa ng tao? Bakit nga ba masarap ang bawal or should I say, ang magsinungaling? Dahil ba naliligtas ang isang indibidwal sa katarantaduhang pinasok niya? Dahil ba ikaw ang magmumukhang malinis at mababaling ang masamang bahid sa taong nagtapat? Natanong ko pa minsan, bakit yung nagtapat ang siyang nakakasalo ng karma?
Sa totoo lang, hindi ako pala-simba, kahit katoliko ako. Dati sumubok akong pumasok sa tahanan ng Diyos pero wala akong makasama hindi kasi ako sanay. Hanggang sa tinamad na ako. Hindi naman ako satanista, andun pa rin ang bonding kay Bro. Mas nasanay akong tanungin na lang siya sa kung saan man ako datnan ng sumpong. So tinanong ko siya. Bakit ako yung sumasalo ng karma knowing nagtapat naman ako. Hindi ba dapat mas marami pang magagandang bagay ang dapat dumating sa akin dahil ginawa ko ang tama. As usual hindi siya sasagot. Yun parang may maririnig ka na boses na hinuhugot pa sa kailaliman ng lupa. Hindi, hindi ganun ang nangyari. Since hindi ako nakakuha ng sagot, nagpatuloy na lang akong maglakad. Sa paglalakad ko, doon ko lang pala makikita ang kasagutan. Sa pagfefacebook, sa pagmo-mall, sa pagbabakasyon at sa pagtuturo, doon ko pala makikita ang kasagutan.
Sa mga parinig at panghuhusga natuto akong sumawalang kibo. Nakakatawa nga eh yung mga tao pang nasaktan ko, ang nagpost sa FB ng quote na "Silence is a bliss, Ignorance is a virtue." Totoo naman na Silence is a Bliss ang mali lang, yung application nila sa sarili nila. Ignorance is a Virtue, totoo din yun. Pero hindi kaya baligtad? Ako ang dapat tumatahimik kasi ako ang umaming nagkasala? Kaya lang ang nangyayari mas ako pa ang maraming naririnig mula sa kanila. Ito lang ang natutunan ko, magpasabog ka ng galit kung kailan sobra na. Kumbaga eh hit the person when it is already hitting you below the belt. Hanggang wala pa dun sa point na yun you shut your mouth and ignore them. Awa ng Diyos, wala pa naman sa level na yun. Actually kakaganun nila, na-realize ko lang yung value ng pagkakaibigan. Hindi pala porke barkada, eh sila ang tamang taong dapat samahan. Minsan hindi rin.
Naalala ko lang, may nagsabi sa akin na wala daw akong trabaho with matching tawa ng kayabangan. Nadepress ako nun. Yung nagsabi nun alam ko na he is trying to pull me down kasi nga dahil sa ginawa ko. Ipinapakita niya sa akin ang ikalawang karma ko dahil sa pagtatapat. Pilit ipinapahiwatig sa akin na guguho ang career ko. Minahal ko ang trabaho ko kahit part time lang. Sinuklian ako ni bro ng mabubuting estudyante at nadadagdagan pa sila. Isa pa nagkaroon na ako ng offer na mas maganda pero tsaka ko na sasabihin. Inisip ko masuwerte pa rin pala ako kesa sa taong yun, kasi ako pagkatapos kong grumadweyt, ang dami ko ng pinagdaanang trabaho siya naka-stock pa rin siya sa negosyo ng magulang niya at dun na lang umiikot ang buhay niya. Ako madami ng nasubukan dahil sa pagkayod. Maganda na nabuhay ako sa sarili kong pawis. Natuto akong mag-gala ng walang sariling kotse. Hindi kasi ako nabuhay ng may nakahapag na. Natuto kasi akong maghanap ng ihahapag.
Nahati ang grupo ng mga kaibigan ko. Ikatlong karma. Mahirap siyempre dahil sila na ang nakasama ko pero dahil sa ako yung lumalabas na masama at active ang mga "naaapi" sa pananaw nila, ayun iilan na lang din ang nakakasama ko. Pero dito pa lang sa sitwasyon na ito, nakikita ko kung sino ang matapat, sino yung mapagkakatiwalaan. Sino yung hindi makitid ang utak. Ayun eh yung pamilya ko, ang ungas kong pinsan, mga kamag-anak sa ELBI at yung high school at college friends ko. Doon ako nag-hold on sa mga tao na yun at kailan man hindi na dapat kailanganin ang mga taong husga doon husga dito.
Pinakahuling karma ni Pucca. Nawalan ako ng taong minahal, umalis siya at bibihira ko na lang makita. Espesyal ang taong yun pero iniwan ako ngunit naniniwala akong may magandang reason kung bakit. Hindi ako umaasa na magiging kami pero umaasa ako sa tadhana na one day magkikita kami at mapagkukuwetuhan namin yung mga pinagdaanan namin. Kahit hindi na nobyo, kaibigan na lang tutal doon lahat nagsimula at nangyaring mahulog nang hindi inaasahan. Naging tapat siyang kaibigan sa akin at hindi ko kakalimutan yun. Natakot ako nun, kasi bibisitahin ko siya sa ospital. Ang feeling ko baka galit siya sa akin kasi binura ko siya sa FB. Nanalangin ulit ako kay bro na sana maging maganda ang pagkikita namin. Nung magkita kami, ngiti, halik at yakap ang binigay niya sa akin. Pakiramdam ko tanggap niya pa rin ako sa kabila ng lahat ng nangyari. Nagkuwento siya kahit konti sa akin, nangamusta. Yun ang huling kita ko sa kanya. Pinasaya ako ni Bro nun. Yun ay makita siya ulit at okay ang lagay niya wala na akong aasahan pang iba. Kahit nakalimutan niya akong batiin nung birthday ko wala na yun sa akin ang mahalaga, pinansin niya ako, yun na ang pa-birthday ni God sa akin.
Hay ayun na siguro ang good karma na maituturing ko sa pagiging matapat ko sa isang sitwasyon. May lesson din pala. Kaya yung mga nagsisinungaling, come up come up wherever you are. Wag ismolin ang bad karma ako nga impyerno na yun eh what more pa sa mga katulad niyo. =)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment